-- Advertisements --

Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit P2.045 billion ngayong taon para sa emergency employment ng mga manggagawang naapektuhan ng pagputok ng bulkan, bagyo, at lindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), umabot sa 381,513 indibidwal ang natulungan mula nang pumutok ang Mt. Kanlaon. Karamihan ng ayuda ay mula sa TUPAD program, na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa loob ng 10 hanggang 90 araw para sa debris clearing, minor repairs, at iba pang recovery work.

Matapos tumama ang dalawang malalakas na bagyo noong Nobyembre, umabot naman sa higit 160,000 manggagawa ang natulungan ng DOLE sa ilalim ng kanilang TUPAD, na may kabuuang P843 million pondo.

Nagbigay rin ng tulong ang ahensya para sa mga lugar na tinamaan ng bagyo at lindol, kabilang ang 9,413 workers sa Central Visayas na tumanggap ng P55.9 million, at 5,726 workers sa Caraga at Davao Region na nakakuha ng P29 million.

Bukod dito, 1,693 benepisyaryo naman ang nakinabang para sa inilaang P19.5 million sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program matapos ang mga nagdaaang bagyong Crising, Dante, Emong, Mirasol, Nando, at Opong.