Nakipag-usap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay His Highness Mohamed bin Zayed Al Nahyan, Pangulo ng United Arab Emirates (UAE), upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon sa Gulf region at ang kalagayan ng mga residente doon, kabilang ang mga Pilipino.
Sa kanilang pag-uusap, ipinahayag ni Pangulong Marcos ang pakikiisa ng Pilipinas sa mga mamamayan ng UAE sa gitna ng umiiral na sitwasyon sa rehiyon.
Ipinahayag din ng Pangulo ang kanyang tiwala sa kakayahan ng pamahalaan ng UAE na mapanatili ang kaligtasan ng lahat ng residente sa bansa, kabilang ang halos isang milyong Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho roon.
Ayon kay Pang. Marcos, mahalaga para sa pamahalaan ng Pilipinas ang seguridad at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa UAE, kaya patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang mga kaganapan sa rehiyon.
Nagpahayag din ang Pangulo ng pag-asa na agad na matatapos ang anumang tensyon o hostilities sa Gulf region upang makabalik sa normal ang sitwasyon sa lalong madaling panahon.
Ang UAE ay isa sa mga bansang may pinakamalaking komunidad ng mga Pilipino sa Middle East, kung saan marami ang nagtatrabaho sa iba’t ibang sektor tulad ng serbisyo, konstruksyon, at healthcare.
















