Pinabulaanan ng state weather bureau ang mga kumakalat sa social media na balitang may paparating umanong Super Typhoon na tatama sa bansa sa pagitan ng Nobyembre 5 hanggang 7.
Ayon sa weather bureau, bagama’t ipinapakita ng official forecasts sa potensiyal na cyclone activity sa sunod na dalawang linggo na may katamtamang tiyansa ng pagbuo ng bagyong maaaring kumilos pa-kanluran sa labas ng Philippine Area of Responsibility mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 2 at posibleng tumawid sa gitnang bahagi ng bansa, hindi pa ito tiyak sa ngayon.
Paliwanag pa ng ahensya na wala pang katiyakan sa eksaktong direksyon at lakas ng nasabing bagyo dahil bahagi pa ito ng two-week forecast.
Nagbabala din ang weather bureau sa publiko laban sa fake news o hindi beripikadong impormasyon sa social media at hinimok ang publiko na sumubaybay lamang sa opisyal na advisories ng ahensiya para sa tamang gabay at paghahanda sa panahon ng sakuna.
















