-- Advertisements --

May katamtamang tiyansa na mabuo bilang tropical depression ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa loob ng sunod na 24 oras.

Base sa monitoring ng state weather bureau, huling namataan ang namumuong sama ng panahon sa distansiyang 130 kilometers (kms) ng timog ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan kaninang alas-8:00 ng umga.

Samantala, tuluyan nang nalusaw ang nagdaang bagyong Wilma.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa, makakaranas ng masungit na lagay ng panahon ngayong Martes.

Kung saan magdadala ang LPA ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa may Kalayaan Islands, habang magdadala naman ito ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa may Batanes at Ilocos Norte.

Sa Metro Manila naman, magdadala ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin ang hanging amihan na may isolated light rains gayundin sa nalalabing lugar sa Ilocos Region at sa nalalabing parte ng Central Luzon.

Sa ngayon, inalis na ang gale warnings sa mga seaboard ng bansa subalit pinag-iingat pa rin ang lahat dahil mayroon pa ring pagbugso ng Amihan lalo na sa Northern Luzon.