Maigting na binabantayan ng Office of the Civil Defense (OCD) ang paparating na bagyo, na tinatayang lumakas bilang Super Typhoon.
Ayon kay OCD deputy administrator for administration ASec. Rafaelito Alejandro IV, malawak ang rainband o sirkulasyon ng bagyo na makakaapekto sa buong Luzon at magpapalubog sa mga bahaing lugar.
Aniya, inaasahang tutumbukin nito ang Aurora hanggang Tuguegarao, sa Cagayan area.
Kayat kailangan aniyang patuloy na mabantayan ito upang mabalaan ang mga lokal na pamahalaang delikado sa baha lalo na sa may Southern at Northern Luzon.
Kaugnay nito, naglalabas na sila ng warnings, mga kautusan para sa paghahanda sa lahat ng mga lokal na pamahalaang posibleng tamaan ng bagyo.
Inaasahan nga ayon sa state weather bureau na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang tropical storm na may international name na Fung-Wong Biyernes ng gabi o madaling araw ng Sabado.
Inaasahang lalakas ito bilang typhoon sa araw ng Biyernes at maabot ang super typhoon category sa araw ng Sabado.
May mataas na tiyansang mag-landfall ito sa may Northern o Central Luzon sa araw ng Lunes.
















