-- Advertisements --

Patuloy na binabantayan ng mga eksperto ang Tropical Storm Fung-Wong, na tatawaging “Uwan” kapag nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Huli itong namataan sa layong 1,660 kilometro silangan ng hilagang-silangang Mindanao.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 75 km/h malapit sa gitna, at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 90 km/h.

Batay sa obserbasyon ng state weather bureau, halos hindi umuusad ang sama ng panahon sa mga nakalipas na oras.

Samantala, ang typhoon Tino ay wala nang epekto sa bansa.

Namataan ito sa layong 475 kilometro kanluran-hilagang kanluran ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 165 km/h malapit sa gitna, at pagbugso na umaabot sa 205 km/h. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 25 km/h.

Wala namang nakikitang posibilidad na ito ay babalik pa sa ating teritoryo, dahil wala namang ibang weather system na nakakasagabal sa paggalaw nito.