CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay ng mga pulis ang suspek na pumugot sa ulo at kumain pa sa utak ng isang babae sa Talisayan, Misamis Oriental.

Ito’y matapos nanlaban umano ang suspek na si Loyd Bagtong sa mga otoridad kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Jasaan Municipal Police Station investigator PM/Sgt. Paul Salcedo na pauwi na sana sa Talisayan galing inquest sa Provincial Prosecutor sa Cagayan de Oro ang suspek kasama ang nagbabantay na pulis nang biglang na-flat ang gulong ng kanilang sinasakyang patrol car sa Sitio Punta Gorda, Barangay Danao, Jasaan, Misamis Oriental.

Nagpaalam daw si Bagtong na iihi saglit kaya tinanggalan ng posas ngunit bigla na lamang umano itong nang-agaw ng baril sa nagbabantay na pulis at umalingawngaw at tatlong putok ng baril.

Natumba ang suspek at agad na dinala sa ospital ngunit idineklarang patay ng mga doktor.

Una nang inamin ng suspek na pinugutan niya ng ulo ang babaeng nasa 25-30-anyos at nang magutom ay kinain pa nito ang utak.