-- Advertisements --

Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na nasa maayos na kalagayan si First Lady Liza Araneta Marcos sa kabila ng pagdawit sa kanya sa pagkamatay ng negosyanteng si Paolo Tantoco.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na batid naman daw kasi ng Unang Ginang ang katotohanan sa likod ng isyu.

Ayaw na rin daw sana ng First Lady na palakihin pa ang isyu dahil ang pokus ng administrasyon ay ang maipakita sa publiko ang trabaho ng Pangulo at ang tunay na serbisyo para sa bayan.

Iginiit ng Palasyo na kaya rin walang ikinababahala ang Unang Ginang dahil makikita ang mga record na magpapatunay na walang basehan ang mga paratang.

Sa halip, dapat pa raw ngang mabahala ang mga taong patuloy na nagpapakalat ng maling impormasyon para sirain ang Pangulo at ang administrasyon.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang posibleng legal na aksyon laban sa mga nasa likod ng pekeng police report na ipinakalat online.

Ayon kay Castro, mukhang napapanahon ang pagsasampa ng kaso dahil hindi dapat hayaang mamayani ang kasinungalingan lalo na kung ito’y nanggagaling sa ilang kasapi ng media na maaaring paniwalaan ng publiko at magdulot ng maling impresyon.

Nanindigan din ang Palasyo na hindi matitinag ang kasalukuyang administrasyon sa kabila ng mga ganitong taktika ng paninira.