-- Advertisements --

Tinawag na peke at nakakahiya ang mga kumakalat na alegasyong idinadawit si First Lady Liza Araneta Marcos sa pagkamatay ng negosyanteng si Paolo Tantoco.

Ayon kay USec. Castro na ginagamit lamang ng ilang obstructionist ang isyu upang siraan ang Unang Ginang, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ang administrasyon.

Giit nito nakalulungkot na nadadamay pa sa pamumulitika ang mga pribadong indibidwal na nagluluksa.

Kaugnay nito, binatikos ng Palasyo ang umano’y pekeng police report na ipinakalat sa social media, kung saan dinagdagan lang daw ng ilang impormasyon.

Tinawag ito ni Castro na malaking kasinungalingan, at hinamon pa nito na kahit sino ay maaaring magsagawa ng sariling beripikasyon sa Beverly Hills Police Department upang patunayan na ang mga linyang idinagdag ay hindi bahagi ng orihinal na dokumento.

Mariin ring itinanggi ng Palasyo na bahagi si Tantoco ng official entourage ng Unang Ginang sa kanyang biyahe sa Los Angeles.

Anya, may kasamang US security service at Presidential Security Group ang First Lady at sa ibang hotel ito nanatili, hindi sa tinutuluyan ni Tantoco.

Ipinunto rin ng Palasyo na dokumentado sa social media ang mga opisyal na aktibidad ng Unang Ginang noong March 8, kabilang ang konsyertong dinaluhan para sa mga Pilipino, kasama si Tourism Secretary Christina Frasco.