Muling iginiit ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi maaaring italaga sa anumang posisyon sa pamahalaan ang mga natalong kandidato sa Eleksyon 2025 sa loob ng isang taon matapos ang halalan.
Ang pahayag na ito ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia matapos mag-post sa social media ang isang natalong lokal na kandidato mula sa Laguna ng larawan kasama ang ilang opisyal ng gobyerno, kalakip ang pasasalamat sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong makapaglingkod muli.
Muling paalala ni Garcia na malinaw ang nakasaad sa Konstitusyon at sa Election Code ukol dito. Aniya, ipinagbabawal ang kahit anong appointment sa pamahalaan isang taon pagkatapos ng eleksyon.
Dagdag pa ni Garcia na walang kandidatong natalo sa alinmang halalan ang maaaring italaga sa alinmang posisyon sa pamahalaan, o sa mga government-owned or controlled corporations (GOCCs), o alinman sa kanilang mga subsidiary, sa loob ng isang taon mula sa eleksyon.
Maaaring managot sa kasong kriminal, administratibo, at sibil ang mga lalabag, kabilang ang mga magtatakda ng appointment.