Mark Perete1

Todo paliwanag ngayon ang Department f Justice (DoJ) sa sobrang bilang ng mga sumukong inmates na nakinabang sa good conduct time allowance (GCTA) Law kumpara sa mga nasa listahan na inilibas ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay Department of Justice (DoJ) Usec. at Spokesman Markk Perete, kagabi kasi ay aabot sa 2,009 ang bilang ng mga sumuko kumpara sa orihinal na nasa listahan ng BuCor na 1,914.

Sinabi ni Perete na lumobo ang bilang ng mga sumuko dahil maaring may mga napalayang inmates ang hindi naman sangkot sa heinous crimes.

Sa kaso ng pagkakasama ng pangalang ng convicted killer na si Rolito Go sa mga ipinaaresto, sinabi ni Perete nakasama kasi sa orihinal na listahan ng 1,914 ang pangalan nito.

Pero malinaw aniya na hindi dapat nakasama ang pangalan ni Go sa mga ipinaaresto dahil hindi naman siya napalaya sa ilalim ng GCTA Law.

Ipinunto rin niya na na may desisyon dito ang Korte Suprema noong Disyembre 2016 at pinagtibay ang resolusyon ng Court of Appeals (CA) at Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) na kumakatig sa Habeas Corpus petition ni Go at ng asawang si Elsa kaya ito napalaya.

Sa kanyang petisyon, iginiit ni Go na nagtapos na ang kanyang pagsisilbi ng sintensiya noon pang Agosto 2013 dahil GCTA Law.

Si Go ay kasama sa mga pinuntahan ng mga pulis sa kanyang bahay kaninang hatinggabi dahil kasama ang kanyang pangalan sa listahan ng mga high-profile convicts na dapat arestuhin muli ngayong nagtapos na ang deadline ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero hindi na siya naabutan ng mga pulis at sinasabing nakalabas na ito ng bansa.

Si Go ay nakulong dahil sa pagpatay sa De La Salle University (DLSU) student na si Eldon Maguan sa isang road rage incident noong 1991.