Tumangging magkomento ang Palasyo ng Malakanyang kaugnay ng panukala ni Senator Ping Lacson na magtalaga ng designated survivor ang Pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, sa ngayon wala pang pahayag dito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunpaman sinabi ni Castro na mas makabubuti kung buuin muna ang mga probisyon ng panukalang batas upang maging malinaw ito.
Giit ng Palace Official na mahirap kasi aniyang sumang ayon o humindi kung hindi pa latag ang kabuuan ng panukalang batas.
Pag aaralan naman aniya ito ng pangulo sakaling ito ay maipasa sa dalawang kapulungan ng kongreso.
Sa ilalim ng panukala ni Lacson, magtatalaga ang pangulo ng isang miembro ng gabinete na dadalhin sa sikreto at ligtas na lugar at babantayan ng psc, kapag magkakasama sa isang pagtitipon tulad ng sona ang pangulo, bise presidente, senate president, house speaker at lahat ng iba pang nasa line of succession.