Tuluyan nang nagsara ng floodway gate ang Ambuklao Dam matapos ang ang pagbubukas nito ng dalawang gate nitong nakalipas na araw.
Umabot sa isang metro ang opening ng dalawang binuksan na floodway gate at nagpalabas ng mahigit 130 cubic meters per second ng tubig ang naturang dam, kasunod na rin ng paglobo ng tubig nito sa 751.96 meters o apat na sentimetro lamang bago tuluyang maabot ang normal high water level (NHWL).
Agad ding bumaba ang lebel ng tubig sa naturang dam kung saan sa pinakahuling report na inilabas ng Hydrology Division ng state weather bureau ngayong araw ay umaabot na lamang ito sa 751.37, halos 60 cm na mas mababa kumpara sa antas nito kahapon.
Samantala, dahil sa malawakang pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon ay tuluyan ding tumaas ang antas ng tubig sa malalaking dam sa bansa.
Kabilang dito ang Magat Dam na nakapagrehistro ng mahigit isang metrong pagtaas ng antas, Pantabangan Dam, at ang pinakamalaking dam na San Roque.
Nagrehistro ang San Roque ng 80 centimeters na pagtaas sa lebel ng tubig nito.
Sa Metro Manila, umabot na rin sa 79.59 meters ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam. Ito ay mahigit 50 cm o kalahating metro lamang bago tuluyang maabot ang spilling level na 80.15 meters.
Nananatiling nagpapaulan sa malaking bahagi ng bansa ang ilang mga weather system tulad ng low pressure area at southwest monsoon.