Nagsagawa ng paunang geological survey ang Department of Energy (DOE) sa mga piling lugar sa Zambales at Pangasinan bilang paghahanda sa kauna-unahang eksplorasyon ng native o natural hydrogen sa bansa.
Ang hakbang ay kaakibat ng inaasahang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga unang service contracts para sa bagong uri ng malinis na enerhiya.
Sakop ng survey ang mga lugar na bahagi ng 2024 Philippine Energy Bid Round, at layunin nitong makalikom ng pangunahing datos ukol sa geological at environmental data upang magabayan ang mga susunod na kontraktor.
‘By screening these areas, the survey will help guide service contractors in prioritizing locations for more comprehensive exploration. In essence, it lays the groundwork for where to focus efforts and what approaches to take in the pursuit of developing clean and sustainable energy sources,’ ani Energy Undersecretary Alessandro Sales.
Kabilang pa sa mga sinuring lugar ang Mangatarem Hot Spring sa Pangasinan, gayundin ang Botolan Hot Spring at Nagsasa Seeps sa Zambales—mga lugar na may potensyal sa natural hydrogen batay sa presensya ng hot springs at ophiolitic rock formations.
Nabatid din na ang field assessments ay isinagawa kasama ang Mines and Geosciences Bureau Region 3, lokal na pamahalaan, at Municipal Environment and Natural Resources Offices.
Dagdag pa rito, bahagi rin ng paghahanda ng DOE para sa unang training program sa bansa ang tungkol sa native hydrogen exploration na gaganapin ngayong taon para sa mga local at international experts.
Sinusuportahan din ng survey ang patuloy na pananaliksik ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), na nakatuklas ng pinakamalaking natural hydrogen seep sa bayan ng San Antonio, Zambales.
Sa Nagsasa seep pa lamang, mahigit 800 tonelada na ng natural hydrogen kada taon ang lumalabas, at may posibilidad pang may reserba sa ilalim ng lupa.