-- Advertisements --

Lumagda sa kasunduan ang Department of Energy (DOE) at Department of Health (DOH) upang isulong ang paggamit ng renewable energy-efficient technology sa mga pampublikong hospital sa bansa.

Kasama sa mga lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sina DOE Officer-in-Charge Sharon Garin at Health Secretary Teodoro Herbosa para maipatupad ang Solar Solutions for Government, na layuning bawasan ang pag-konsumo ng kuryente at gastos sa operasyon ng mga pasilidad ng DOH.

Kabilang sa mga proyektong ipatutupad ang paglalagay ng solar panels, energy-efficient lighting, inverter-type aircon, smart meters, at iba pang makabagong teknolohiya. Nakahanda ring magbigay ang DOE ng technical assistance at energy audits nang libre sa DOH.

Ayon kay Garin, ang programa ay hindi lamang para sa pagtitipid sa kuryente, kundi para rin sa paglikha ng mas matatag at makabagong sistema ng serbisyong pangkalusugan.

Bahagi rin aniya ito ng Government Energy Management Program (GEMP) na nagtatakda ng 10% na bawas sa paggamit ng kuryente at gasolina sa mga gusali ng gobyerno.

Nabatid na ang kasunduan ay kasunod ng kaparehong proyekto sa lalawigan ng Siquijor na nilagdaan noong Hunyo 27, 2025.