Ikinabahala na ng UNAIDS ang pagtaas ng HIV sa bansa kung saan sa kanilang datos pumalo na sa 543% mula pa 2010 ang mga tinamaan ng virus sa bansa pinakamabilis umano na bagong HIV cases sa Asia-Pacific.
Habang bumaba naman ang kaso sa ibang bansa sa rehiyon. Mahigit 139,000 na kasi ang nabubuhay na may HIV sa bansa, at inaasahang aabot pa ito sa 252,000 bago matapos ang 2025, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, halos 50% ng bagong kaso ay mula sa mga kabataang edad 15-24.
Karamihan ay mula sa same-sex relationships, unprotected sex, at mga nakikilala sa dating apps.
Kakulangan sa sex education, kahihiyan, at relihiyosong stigma ang ilan sa mga pangunahing sanhi ng pagtaas ng kaso.
Noong Hunyo, inirekomenda ng DOH na ideklara na ang HIV bilang isang national public health emergency upang mapabilis ang tugon ng gobyerno na hanggang ngayon ay wala pang tugon ang Palasyo.
Bagamat may mga libreng HIV test at treatment na iniaalok ang gobyerno at NGO gaya ng LoveYourself, nananatili pa ring mababa ang testing rate—at mas mababa pa ang porsyento ng mga tumatanggap ng gamutan.
Maraming kabataan din ang takot na madiskubre ng kanilang pamilya ang kanilang kondisyon, kaya’t iniiwasan ang pagpapagamot.
Ayon sa mga eksperto, kailangang palakasin ang sex education, gawing accessible ang condoms at PrEP, at tanggalin ang stigma sa mga taong may HIV.
Sa ngayon nagsusumikap ang DOH na makipagtulungan sa DepEd para sa peer counseling at updated teaching materials.