Binabantayan ng Department of Energy (DOE) ang mga kumpanya ng langis sa bansa sa gitna ng pangamba sa posibleng pagkakaroon ng kartel o sabwatan sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay DOE Officer-in-Charge Sharon Garin, wala silang direktang kapangyarihang mag-imbestiga o magparusa, ngunit nagsisilbi silang bantay laban sa mga posibleng “anti-competitive” na gawain ng ilang kumpanya ng langis.
Aniya, bagamat hindi pa kumpirmado kung may kartel, may mga indikasyon ng hindi patas na paggalaw ng presyo ng langis sa merkado.
‘I would not say that there is no cartel. Who they are, that is something to confirm, but if there is no cartel, there’s no purpose for the Oil Industry Management Bureau (OIMB) to be on guard all the time. But I would say there’s still some form of anti-competitive behavior in some, not all,’ ani Garin ng matanong kung may kartel ba sa bansa.
Dagdag pa ng OIC na kapag may napansing iregularidad, iniuulat umano ito ng DOE sa mga ahensyang may hurisdiksyon gaya ng Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Department of Finance, Philippine Competition Commission, at Energy Regulatory Commission.
Ipinaliwanag din ni DOE-OIMB Director Rodela Romero na ang kartel ay isa sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng Oil Deregulation Law. Dagdag pa niya, may ilang gasolinahan na nagbibigay ng mas mababang presyo kahit sumusunod sa parehong benchmark (MOPS), na nagpapakita ng pagkakaiba sa presyuhan ng langis.
Bagamat limitado ang kapangyarihan ng DOE, patuloy nila itong mino-monitor linggu-linggo upang masigurong naaayon sa galaw ng pandaigdigang merkado ang presyo ng langis sa bansa.
‘That’s why they’re actively monitoring and they report every Monday morning… Unfortunately, though, we are not given the authority, not even just disclose or to investigate their reporting, we just need to monitor it that it matches the increases of the adjustments in the international market,’ dagdag pa ng OIC.