Nakikita na ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na masakop na ng Zero Balance Billing ang mga ospital ng mga lokal na pamahalaan pagdating ng taong 2026.
Ayon kay DOH Spokesperson Albert Domingo, ito ay posible bunsod ng naging diskusyon sa naging Bicameral Conference Committee meeting na posibleng madagdagan ng P1 bilyon ang pondo ng kanilang ahensya parasa pagpapalawig ng naturang programa.
Paliwanag ni Domingo, sa pondo na ito maaari na nilang masakop ang mga level 3 LGU hospitals sa bansa at kung hindi man madagdagan ang kanilang pondo ay kaya pa ring masakop ng kanilang kasalukuyang budget ang anim hanggang walong probinsiya.
Inihayag naman ni Domingo na ang mga LGU na maaaring makinabang sa Zero Balance Billing ay ang mga lokal na pamahalaan ng Sarangani, Laguna, Aklan at Benguet habang tinitignan naman sa ngayon bilang karagdagan ang Pampanga, Bataan at Quezon.
Samantala, batay sa datos ng Malacanang, higit sa 1,078,000 na mga mamamayan ang mga naging benepisyaryo ng naturang polisiya sa loob lamang ng apat na buwan.
















