-- Advertisements --

Ipapatupad na rin ng Department of Health (DOH) ang zero balance billing policy sa mga piling ospital na pinatatakbo ng local government units (LGUs) matapos ilaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P1 bilyon mula sa pondo ng ahensya para sa naturang programa.

Ayon sa DOH, wala nang babayaran ang mga pasyente sa basic o ward accommodation ng mapipiling LGU hospitals. Dati, ipinatutupad lamang ito sa 87 DOH-operated hospitals simula noong Mayo 18 ng nakalipas na taon.

Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sa ngayon hindi sapat ang pondo para saklawin ang lahat ng LGU hospitals kaya pipiliin muna ang mga Level 2 at Level 3 hospitals, lalo na sa mga probinsyang wala o malayo sa DOH hospital.

Sa kasalukuyan, mayroong 17 Level 3 LGU hospitals sa bansa na may serbisyong kahalintulad ng DOH hospitals, gaya ng intensive care unit (ICU).

Tiniyak din ng DOH na direktang ibibigay ang pondo sa LGU hospitals at hindi kailangan ng guarantee letter mula sa mga pulitiko.

Maaari ring gamitin bilang dagdag-pondo ang bahagi ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program, na ayon sa DOH ay hindi na maaaring pakialaman ng mga halal na opisyal.