-- Advertisements --

Kinumpirma ng Konsulada ng Pilipinas sa Houston na walang Pilipino ang naitatalang kabilang sa mga nasawi sa nangyaring pagbaha sa Texas, USA.

Kaugnay nito ay umaasa ang konsulada na walang maitatalang Pinoy na nasawi sa mga susunod na araw habang nagpapatuloy ang Search, rescue, at recovery operations sa mga apektadong lugar.

Patuloy rin ang koordinasyon ng kanilang tanggapan sa mga Filipino community sa Kerr County, Kerrville City, at Central Texas na pinaka malubhang tinamaan ng pagbaha.

Layon nito na matiyak kung nasa maayos na kalagayan ang mga Pilipinong nakatira at nagtatrabaho sa mga banggit na lugar.

Sa ngayon ay hindi na bababa sa 78 katao ang naitalang nasawi sa pagbaha kung saan hindi bababa sa 28 dito ay mga bata .

Batay sa datos ay hindi rin bababa sa 41 na katao ang patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.

Sa ngayon ay tiniyak ni Texas Governor Greg Abbott na magpapatuloy ang kanilang Search, rescue, at recovery operations para mahanap ang mga nawawalang indibidwal.