Pinaigting ng Department of Energy (DOE) ang pagsusuri nito sa kalagayan ng suplay ng kuryente sa mga isla at off-grid sa bansa bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Marcos Jr., na tiyaking pantay-pantay at abot-kaya ang access ng bawat Pilipino sa kuryente.
Kamakailan, nagsagawa ng assessment ang DOE sa Camotes Island, Cebu matapos makatanggap ng ulat ng madalas na brownout.
Ayon kay DOE Assistant Secretary Mario Marasigan, kahalintulad ito sa mga problemang naranasan sa Siquijor na kulang sa kapasidad ng power generation at distribution.
Sa kasalukuyan kasi ang Camotes Island ay sinusuplayan ng Camotes Island Power Generation Corporation (CAMPCOR) gamit ang diesel generators. Ngunit ang single-phase distribution system ng Camotes Electric Cooperative, Inc. (CELCO) ay hindi sapat upang maihatid nang maayos ang kuryente, dahilan upang dumalas ang aberya ng suplay ng kuryente sa lugar.
Dagdag pa rito, ang pagde-deliver ng diesel ay nagiging problema din lalo na sa panahon ng bagyo, na siyang nagpapaantala sa paghahatid ng fuel mula sa Cebu.
Dahil dito, nakita ng DOE ang pangangailangan para sa mas matatag at mas sustainable na solusyon gaya ng hybrid renewable energy systems, solar panels na may battery storage, at energy efficiency measures.
‘We have already identified the mitigated measures some of those are already been implemented for example yung improvement ng kanilang distribution lines.., yung distributions ng wires natin are rare hindi yung insulated because of cost consideration, so what the CELCO did was to initiate three pace program that means they are improving and enhancing the distribution facilities at gumagamit na sila insulated wire ngayon,’ pahayag ni Marasigan.
Dagdag pa ng ahensya na layon ng inisyatibong ito na hindi lamang tugunan ang kasalukuyang problema ng bansa kundi maglatag ng pangmatagalang solusyon sa sektor ng enerhiya sa mga malalayong komunidad dito Pilipinas.