-- Advertisements --

Pinagkibit-balikat lamang ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sakaling pagbawalan din siya ng China na makapasok sa kanilang mga teritoryo gaya ng pinataw na sanctions ng naturang bansa kay dating Senator Francis Tolentino.

Matapang na inihayag ng kalihim na wala siyang pakialam sakaling gawin din nila ito sa kaniya.

Saad pa ng DND chief na prerogatibo ng anumang bansa na payagan o tanggihan ang sinuman na pumasok sa kanilang teritoryo nang walang paliwanag.

Matatandaan, pinagbawalan ng China si dating Senator Tolentino na makapasok sa kanilang mga teritoryo gaya ng mainland China, Hongkong, at Macau dahil sa umano’y inasal nito kaugnay sa mga isyung may kinalaman sa China.

Maaalala na hayagang tumitindig ang dating Senador sa posisyon nito sa paglaban ng mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea kung saan may maritime dispute ang bansang China.

Si Tolentino ang nagsilbing chairperson noon ng special committee on maritime and admiralty zones, na may-akda ng dalawang panukalang batas na nagpapatibay ng mga karapatan ng Pilipinas sa maritime zones nito na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakalipas na taon lamang, ito ay ang Philippine Maritime Zones Act at ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.