-- Advertisements --

Tiniyak ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na hindi iiwan ng U.S. ang Pilipinas sa pagtutol sa tumitinding agresyon ng China sa pinagtatalunang karagatan kahit pa nag-uusap sina US President Donald Trump at Chinese President Xi Jinping para lutasin ang kanilang alitan.

Ayon kay Romualdez, mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagtatanggol ng soberanya, ngunit bukas din ang bansa na ayusin ang relasyon sa China para sa mas malawak na kalakalan at ugnayang pang-ekonomiya.

Ang U.S. at Pilipinas ay nangunguna sa pagtuligsa sa agresyon ng China, na gumagamit ng water cannon, flares, at pagharang sa mga puwersang Pilipino sa dagat at himpapawid.

Pinapaalala rin ng U.S. na may obligasyong ipagtanggol ang Pilipinas sa armadong pag-atake.

Bagama’t may pangamba sa posibleng U.S.-China rapprochement, tiniyak ni Romualdez na lalo pang tumitibay ang ugnayang panseguridad at depensa, at may pondo ang U.S. para sa modernisasyon ng militar ng Pilipinas.

Sa kabila ng tensyon, layunin ng Pilipinas na mapabuti ang relasyon sa China sa mga isyung hindi kontrobersyal tulad ng climate change, manufacturing, at alternatibong enerhiya.