Kinumpirma ni Senator Robinhood Padilla na lumagda sina Senator Bong Go at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa kaniyang resolution na naglalayong agarang pabalikin ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa The Hague, Netherlands.
Subalit hindi pa nagbibigay ng kopiya ng resolution ang opisina ng Senador dahil hindi pa ito naihain sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Pinasalamatan naman ni Sen. Padilla ang dalawang kasamahan niyang Senador sa kanilang paglagda at sinabing bukas pa rin siya sa iba pang Senador na nais na lumagda sa naturang resolution sa mga susunod na araw.
Inihayag din ni Sen. Padilla na higit pa ito sa isang resolusyon dahil isa rin aniya itong panawagan para sa pagkakaisa, paggalang sa soberaniya at hustisiya para sa dating Pangulo na matapang na nagsilbi sa bansa.
Sina Sen. Padilla, Go at Dela Rosa ay kabilang sa tinatawag na Duterte bloc o mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan miyembro din dito sina Senator Rodante Marcoleta at ang presidential sister na si Senator Imee Marcos.