-- Advertisements --

Binigyang diin ng Kataastaasang Hukuman na maaring magsagawa ang Commission on Elections ng espesyal na botohan para sa nabakanteng upuan sa mababang kapulungan ng kongreso.

Ayon sa inilabas na desisyong isinulat ni Associate Justice Ramon Paul Hernando ng Supreme Court En Banc, ibinasura nito ang petisyong inihain ni Elroy John Hagedorn na hiling atasan ang kamara na ideklarang bakante ang isang pwestong naiwan.

Ito’y kasunod ng pumanaw si Palawan Third Legislative District Representative Edward Hagedorn noong taong 2023 kaya’t kahilingan din na magsagawa ng special election.

Ang naturang petitioner ay nagsumite din sa tanggapan ni Commission on Elections Chairman George Garcia ng mga lagdang nakalap mula sa mga residente ng Palawan upang ihayag at suportahan ang pagsasagawa ng espesyal na eleksyon.

Ngunit iginiit ng komisyon na sa ilalim umano ng Republic Act No. 6645, kinakailangan pang magpasa ng resolusyon ang House of Representatives para lamang ito maisakatuparan.

Kaya’t buhat nito’y naghain ng ‘petition for mandamus’ si Elroy John Hagedorn sa Kataastaasang Hukuman upang dito na idulog ang kanilang hinaing at kahilingan.

Subalit naikunsiderang ‘moot’ ang kanyang petisyon dahil sa nagdaan na ang panibagong eleksyon nitong nakaraang Mayo.

Bagama’t naunang ibinasura ang naturang petisyon, binalikan muli ng Korte Suprema ito kaya’t binigyang linaw na hindi maaring pwersahin ang kamara na magpasa ng resolusyon na masertipikang bakante ang puwesto at panawagan na special election.

Ngunit ayon sa Korte Suprema, nakasaad o sa ilalim na ng bagong batas na Republic Act of 7166, otorisado na ang Commission on Elections magsagawa ng panibagong eleksyon.

Dito binigyang diin ng Kataastaasang Hukuman na maari lamang magsanhi ng pagkaantala kung hihintayin pa ng komisyon magpasa ng resolusyon ang kamara.

Habang kanilang nilinaw naman na ang desisyong ito ay hindi nangangahulugang ganito din ang direksyon para sa mga bakanteng upuan ng party-list.