-- Advertisements --

Suportado ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsisikap ng Department of Information and Communication Technology (DICT) na makamit ang 100 porsyentong Internet connectivity para sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa bago matapos ang 2025.

Sinabi ni Speaker Romualdez na mahalaga ang pagkakaroon ng internet connection ng mga pampublikong paaralan sa pagsasara ng digital gap at makamit ang transpormasyon ng sektor ng edukasyon alinsunod sa vision ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Ginawa niya ang pahayag matapos ihayag ni DICT Secretary Henry Rhoel Aguda na 78 porsyento ng mga pampublikong paaralan ay nakakonekta na sa Internet, ngunit may tinatayang 12,000 pampublikong paaralan, karamihan ay nasa geographically isolated at disadvantaged areas, na wala pang access.

Sa kanyang talumpati sa Philippine Chamber of Commerce and Industry sa Makati City kamakailan, sinabi ni Aguda na determinado ang pamahalaan na palawakin ang saklaw ng National Fiber Backbone (NFB) project na tinatayang makikinabang ang humigit-kumulang 17 milyong Pilipino.

Binigyang-diin ni Romualdez na lampas sa usaping teknolohiya ang inisyatibang ito, sapagkat bahagi ito ng pangitain ng Pangulo para sa isang digital at inklusibong Pilipinas kung saan ang pagiging konektado ay nagbubukas ng pinto sa dekalidad na edukasyon, mas maayos na serbisyong pampubliko, at mas malawak na oportunidad pang-ekonomiya.

Muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang kanyang buong suporta sa pangitain ni Pangulong Marcos para sa isang tunay na online at digital na Pilipinas.

Binanggit niya na mismong ang Pangulo, sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, ay naglatag ng mga hakbang ng pamahalaan para palawakin ang Internet access sa pamamagitan ng pagpapalawak ng NFB project, paglalagay ng dagdag na libreng Wi-Fi spots, pamamahagi ng SIM cards na may libreng data sa mga malalayong paaralan, at pagtatayo ng mas marami pang cell sites.

Sa ilalim ng panukalang pondo ng DICT, ₱5 bilyon ang inilaan para sa pagpapatupad ng Free Public Internet Access Program na nakapagtayo na ng 18,849 sites sa buong bansa. Gagamitin ito para pondohan ang backbone, middle mile, at last mile ICT infrastructure, gayundin ang pagtatayo ng towers, data centers, assets, at iba pa, na kukunin mula sa Spectrum Users Fee na kinokolekta ng National Telecommunications Commission.

Upang higit na mapalakas ang digital transformation sa mga paaralan, inilaan ang P16.5 bilyon para sa Computerization Program ng Department of Education para sa 2026.

Ayon sa Leyte lawmaker isa sa aral mula sa COVID-19 pandemic ay ang kahalagahan ng Internet connectivity na hindi na umano maituturing na luho kundi isang pangunahing pangangailangan upang maisulong ang edukasyon sa lahat ng antas. Hinimok niya ang mga ahensya ng pamahalaan na magsumikap na makahabol sa pagpapabuti ng Internet connectivity sa pamamagitan ng pagpapalawak ng NFB project.

Nanawagan din siya sa mga telecommunications company na ipagpatuloy ang suporta sa mga inisyatiba ng pamahalaan upang mapabuti ang Internet access at mapaabot ito sa mga liblib na lugar.