Suportado ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang panukalang gawin sa publiko at i-livestream ang bicameral conference committee meetings ukol sa panukalang ₱6.793 trilyong pambansang badyet para sa 2026.
Tugon ito ni Speaker Dy sa panawagang i-livestream ang lahat ng bicam deliberations upang alisin ang mga hinalang may mga insertions na hindi nababantayan ng publiko.
Ayon kay Dy, naipatupad na sa Kamara ang katulad na hakbang sa pamamagitan ng paglikha ng Budget Amendment and Revision Subcommittee (BARSc), na pumalit sa dating “small committee” na tahimik na nag-aamyenda sa General Appropriations Bill matapos ang plenaryo.
Ipinaliwanag ni Dy na ang BARSc ay isang hakbang upang gawing mas bukas at masusing masuri ng publiko ang proseso, sa pamamagitan ng paglahok ng mas maraming miyembro ng Kamara, mga ahensya, at kinatawan ng civil society.
Dagdag pa ni Dy, bukas ang Kamara sa pagdaraos ng bicam conference sa paraang hindi na kailangang gawin ito sa mga saradong lugar.