Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa mga economic managers ng pamahalaan na ibalik sa 35% ang taripa sa imported na bigas upang maprotektahan ang mga Pilipinong magsasaka at mapalakas ang industriya ng bigas sa bansa.
Ginawa ni Dy ang pakiusap sa isinagawang pinagsamang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga at ng Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo.
Sa pagbubukas ng pagdinig, ipinaliwanag ni Dy na ang pagbabalik ng 35% na taripa ay magsisilbing proteksyon sa mga lokal na magsasaka laban sa dagsa ng mas murang inangkat na bigas.
Aniya, kasabay ng iba pang repormang nakatuon sa kapakanan ng mga magsasaka, kailangang isaayos muli ang sistema ng taripa.
Suportado ni Rep. Enverga ang panawagan ni Speaker Dy, at inalala na ito rin ang naging rekomendasyon noong nakaraang Kongreso.
Binigyang-diin ni Dy na ang layunin ay makamit ang balanse sa pagitan ng pagpapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga mamimili at pagbibigay ng sapat na kita sa mga magsasaka.
Dinaluhan ang pagdinig ng mga opisyal mula sa Department of Agriculture, Department of Finance, Department of Trade and Industry, at Philippine Competition Commission, kasama ang mga kinatawan ng rice millers, traders, importers, at mga grupo ng magsasaka.