(Update) KORONADAL CITY – Naka-full alert status ngayon ang South Cotabato PNP sa kanilang nasasakupan kasunod ng pagkakahuli ng isang dayuhang terorista sa Cotabato City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay South Cotabato Provincial Police Director Col. Jemuel Siason, mahigpit ang kanilang pagbabantay sa lalawigan dahil inaasahan ang posibleng retaliatory attack ng ISIS matapos ang pagkakahuli sa Saudi national na si del Sulaiman Alsuhibani alyas Khalid at asawa nitong Pinay na si Norhaya Silongan Lumanggal.

Ayon kay Siason, pinaigting pa nila ang police visibility sa mga places of convergence katulad ng mga parke, simbahan at mga mall upang hindi makapaghasik ng lagim ang mga terorista lalo na sa araw ng Pasko.

Tiniyak naman nito sa mga mamamayan na palagi silang nakabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito ngayong yuletide season.