-- Advertisements --

Nanawagan ang grupong Kapatid, isang support network para sa mga political prisoners, sa Department of Justice (DOJ) na agarang imbestigahan ang umano’y pang-aabuso ng Bureau of Corrections (BuCor) sa mga bilanggo.

Tinukoy ng grupo ang umano’y pagkakait ng BuCor sa mga batayang serbisyo tulad ng maayos na pagkain, gamot, at agarang atensyong medikal. Binanggit din ang sunod-sunod na pagkamatay ng dalawang political prisoners sa loob ng 55-araw ngayong taon.

Ayon pa sa Kapatid, patunay lang aniya ito ng kawalan ng makataong pagkilala para sa mga prisoners.

Kinuwestyon din ng grupo ang patuloy na pagtanggi ng BuCor na kilalanin ang mga political prisoners, pati na rin ang umano’y paglabag sa Konstitusyon at Data Privacy Act.

Nabatid na una naritong pinagbawalan si Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, na bumisita sa Correctional Institution for Women (CIW) at pinaskil pa umano ang kanyang larawan sa gate ng kulungan na may markang “BANNED.”

Sa isang liham noong Hulyo 8, hiniling din umano ni Lim kay Remulla ang isang walang kinikilingang imbestigasyon, pagbawi sa kanyang ban, at pananagutan. Ani Lim, ang pagdala niya ng pagkain sa mga political prisoners ay isang gawaing makatao at hindi dapat aniyang ituring na krimen.

Patuloy namang sinusubukang hingin ng Bombo Radyo Philippines ang panig ni Secretary of Justice Jesus Crispin Remulla at tagapagsalita ng BuCor hinggil sa isyu ngunit wala pa itong tugon sa amin.