Inihayag ng Philippine Coast Guard na inaasahang darating na ngayong araw ang mga Remotely Operated Vehicles (ROVs) sa Batangas, bahagi ng Taal lake.
Kung saan layon itong magamit ng mga awtoridad upang makatulong sa isinasagawang ‘search and retrieval operations’ sa naturang lawa ng Taal.
Bagama’t inaasahan ang pagdating ng mga ito ngayong araw ng Lunes, binigyang diin naman ni Philippine Coast Guard District Southern Tagalog Commander Commodore Geronimo Tuvilla ang paggamit pa rin sa kanilang mga technical diving team.
Giit kasi niya na mas mainam pa rin na mayroong human expertise o intervention na mismong pagsisid ng tao sapagkat nakakapa nila ng personal ang ilalim ng tubig.
Ito’y kahit pa na hirap ang kanilang grupo na makakita habang sinisisid ang lawa ng Taal dahil sa maburak ang tubig kaya’t danas ang ‘zero visibility’ sa pagsisid ng mga technical divers.
Samantala, sa kabila ng inaasahang pagdating ng mga ROVs o Remotely Operated Vehicles, iginiit ng Philippine Coast Guard na mayroon silang sapat na bilang ng mga technical divers.
Maging mga kagamitan o gears na siyang kinakailangan sa pagsisid ay sapat din umano ang kanilang hawak at siyang gamit upang maisagawa at maipagpatuloy pa ang operasyon.
Kaugnay pa rito, sa bahagi naman ng Department of Justice, kanilang ibinahagi na patuloy pa nilang pinag-aaralan kung anong mga kagamitan ang kakailanganin pa.
Kung saan sinabi mismo ni Justice Spokesperson at Assistant Secretary Mico Clavano na kanila pang iniisa-isa ang mga karagdagang gamit na posibleng mahiram sa bansang Japan.
Ito’y bunsod ng kanilang ihayag na sila’y makikipag-ugnayan sa naturang bansa upang mas maging episyente at mapadali ang paghahanap sa mga labi ng mga nawawalang sabungero na umano’y inilibing sa Taal lake.
Sa kasalukuyan ay tuloy pa rin ang isinasagawang ‘search and retrieval operations’ sa pangunguna ng Department of Justice katuwang ang Philippine Coast Guard at Philippine National Police.