-- Advertisements --

Inihayag ng bagong talagang officer-in-charge ng Department of Justice na si Fredderick Vida na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ukol sa flood control projects anomaly. 

Sa kasalukuyan ay nasa 7-katao ang itinuturing nitong ‘protected witnesses’ na nasa provisional status para sa ‘case buildup’ ng kagawaran.

Kabilang rito ang mag-asaawang Curlee at Sarah Discaya na mailang ulit ng nagpapabalik-balik sa tanggapan para sa pagbabahagi ng kanilang mga nalalaman.

Subalit ayon kay Justice Officer-in-charge Vida, hindi pa aniya nasisiyahan ang kagawaran patungkol sa kanilang mga nakakalap na impormasyon mula sa mga Discaya. 

Kung saan di’ pa kuntento ito sa mga inilalahad na nalalaman sa pagkakasangkot sa malawakang isyu ng korapsyon.

Habang kanya namang itinanggi na nag-tell all na ang mag-asawang Discaya sa kanilang pagdating sa kagawaran nitong mga nakaraan. 

Dagdag pa rito’y tumanggi ding magbigay ng detalye ang naturang opisyal sa kung anong impormasyon ang kanilang nakakalap.

Hindi aniya siya maglalahad ng mga ibinahagi ng mag-asawang Discaya sa kanilang pagpunta ng Department of Justice.

Paliwanag niya’y patuloy pa rin nilang sinusuri ang mga ito kasabay ng isinasagawang case buildup kontra sa mga sangkot na indibidwal. 

Sa kabila nito, ibinahagi naman ni Justice Officer-in-charge Vida ang mga responsibilidad ng mapipiling state witness para sa mga kasong isasampa.

Kaakibat aniya ng pagkunsidera na maging state witness ang isang indibidwal ay ang pakikipagtulungan nito upang mapakulong ang sinumang dapat managot.