-- Advertisements --

Binatikos ng mga senador ang Department of Trade and Industry (DTI) matapos matuklasang hindi pa rin ni-revoke ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng Wawao Builders at Syms Construction Trading, mga kumpanyang sangkot sa flood control anomalies.

Sa pagdinig ng 2026 national budget ng DTI sa Senate Subcommittee on Finance, ibinunyag ni Senator Imee Marcos, chairperson ng kumite, na aktibo pa rin ang PCAB license ng Wawao Builders sa kabila ng kanilang lifetime ban mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Buhay na buhay pa rin ang kanilang PCAB license,” ani Marcos. Ganito rin umano ang sitwasyon ng Syms Construction, na “wala ring ni-revoke” kahit paso na ang lisensya noong Oktubre.

Ayon kay PCAB Executive Director Sergie Retome, hindi pa sila makakilos dahil wala pang bagong miyembro ang PCAB board matapos magbitiw ang tatlong dating miyembro. Aniya, isusumite nila ang rekomendasyon ng license revocation kapag naitalaga na ang bagong board.

Binatikos din ni Marcos ang Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP), na may supervisory function sa PCAB. Aniya, tila hindi nito ginagampanan ang tungkulin bilang regulatory body.

Samantala, iminungkahi naman ni Senator Sherwin Gatchalian, Chair ng Senate Committee on Finance, na ipagbawal na rin ang mga shareholders ng mga kumpanyang na ban, upang hindi na sila makabalik sa mga government projects gamit ang bagong kompanya.

Tinukoy din ni Gatchalian ang kaso ng pamilyang Discaya, na umano’y nagpalit lamang ng pangalan ng kumpanya pero mga kamag-anak pa rin ang may-ari.

Tugon ni Retome, kabilang ito sa mga rekomendasyong ihahain nila sa bagong PCAB board.