-- Advertisements --

Isinusulong ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang pagpapalakas ng kakayahan at operasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay Gatchalian, pinag-aaralan niya ang posibilidad na itaas ang subsistence allowance ng mga tauhan ng PCG, na kasalukuyang P150 kada araw lamang, kumpara sa P350 na natatanggap ng ibang uniformed personnel.

Iginiit ng senador ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mataas na morale ng mga miyembro ng Coast Guard, lalo na’t madalas silang makaranas ng pangha-harass at iba pang panganib habang nagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Sa ginanap na Senate budget hearing, binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang matiyak ang patuloy na suporta sa PCG sa kabila ng mga hamon sa kanilang operasyon. 

Binigyang-pugay din niya ang mga kawani ng Coast Guard na patuloy na nagsasakripisyo at nagbabantay sa karagatan upang ipagtanggol ang pambansang soberanya.

Dagdag pa ng senador, ang misyon ng PCG ay may malawak na epekto hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa buong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at North Asia, dahil ang mga pangyayari sa West Philippine Sea ay may implikasyon sa rehiyonal na seguridad at katatagan.