-- Advertisements --

Nakitaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng kaunting mga bitak ang logistics building ng Dipolog Airport kasunod ng tumamang malakas na lindol sa Davao Oriental kaninang umaga, Oktubre 10.

Sa inilabas na statement ng ahensiya, base sa initial assessments, walang malaking pinsala na naitala sa mga pasilidad ng mga paliparan sa bansa, maliban lamang sa minor cracks sa Dipolog Airport.

Nagsagawa rin ang CAAP ng inspeksiyon para matiyak pa rin ang structural integrity ng pasilidad at masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Nananatili namang operational ang lahat ng paliparan sa bansa na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng CAAP sa kabila ng tumamang malakas na lindol.

Samantala, ayon sa ahensiya, mayroong dalawang commercial flight patungong Davao ang na-divert. Kabilang dito ang flight mula Manila-Davao, na na-divert patungong Mactan-Cebu International Airport.

Na-divert din patungong General Santos International Airport ang isa ding flight mula Manila patungong Davao.