Pinalawig ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang flight ban sa paligid ng Mayon Volcano sa Albay hanggang ngayong Lunes ng umaga, Disyembre 15 dahil sa patuloy na aktibidad ng bulkan.
Saklaw ng Notice to Airmen (NOTAM) ang paghimpapawid ng mga aircraft na may vertical limit hanggang 11,000 talampakan mula sa kalupaan (3,353 meters).
Iiral ito mula ala-7:47 ng umaga ng Disyembre 14 hanggang alas-9:00 ng umaga ngayong araw ng Lunes, Disyembre 15.
Ang extension ng flight ban ay bunsod ng namataang spines of dark lava sa tuktok ng Mayon Volcano na ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) indikasyon ng presensya ng bagong magma.
Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 1 parin ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang nasa low-level unrest ito.
Pinayuhan naman ng CAAP ang mga operator ng eroplano na iwasan ang pag-papalipad malapit sa naturang bulkan.















