-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inaasahang sasampahan ng kasong frustrated murder at grave threat ang isang abogado dahil sa pamamaril sa isang residente ng Barangay 13, Magat-Salamat dito sa lungsod ng Laoag lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon kay P/Capt. Rudy James Jacalne, Deputy Chief of Police ng Laoag City Police Station, nakilala ang biktima na si Edmund Pasion, 55 anyos, at may asawa habang ang suspek ay isang abugado at 29 na anyos na pawang residente sa nasabing barangay.

Batay aniya sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na may hindi pagkakaunawaan ang biktima at ang suspek na humantong sa pamamaril.

Aniya, umawat ang biktima sa pagitan ng isang grupo at ang suspek ngunit binaril umano ng suspek ang biktima ng isang beses sa likod.

Narekober mula sa suspek ang isang kalibre 9mm Glock 43X Pistol at isang basyo ng magazine ng kalibre 9mm.

Kaugnay nito, sinabi ni P/Capt. Rogeline Ibe, tagapagsalita ng Laoag City Police Station na narekober sa pinangyarihan ng insidente ang apat na kapsula ng kalibre 9mm, isang cartridge case ng kalibre 9mm at isang deformed fired na bala ng kalibre 9mm.

Samantala, naitakbo ang biktima sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac para malapatan ng lunas.