Hinimok ng grupong Taal Lake Aquacultural Alliance Inc. (TLAAI) ang national government na bilisan ang ginagawang search at retrieval operations sa Taal Lake.
Ito ay kasabay ng lalo pang pagkalugi ng mga mangingisda at mga fish vendor matapos ang sunod-sunod na nai-ahon na sakong hinihinalang naglalaman ng mga labi ng mga nawawalang sabungero.
Sa isang panayam, sinabi ni TLAAI spokesperson Mario Balazon na mula pa noong lumutang ang rebelasyon ni Alyas Totoy ilang lingo na ang nakakalipas, ay tuloy-tuloy na ang pagbaba ng demand sa mga isdang nagmumula sa naturang lawa, na lalo pang naapektuhan kasabay ng mga isinasagawang serye ng diving operation.
Nananatili aniya ang ‘mistaken belief’ ukol sa mga isdang inaalagaan sa mga fishpen at fishcage sa naturang lawa, lalo noong may mga kahina-hinalang bagay na nai-ahon na ang mga technical diver.
Kabilang sa mga labis na naapektuhan ay ang bentahan ng isdang tawilis. Bagaman nakakapagbenta pa rin ng tilapia at bangus, ito ay sa mas mababang bulto na aniya, kumpara sa mga nakalipas na buwan.
Paliwanag ni Balazon, ang naturang lawa ay may kabuuang 24,000 ektarya ngunit tanging dalawang porsyento lamang o katumbas ng sampung ektarya, ang nagagamit sa aquaculture.
Ang diving area ay hanggang sampung ektarya lamang, ngunit dahil sa isyu ng mga nawawalang sabungero ay nadamay na lahat ng bahagi ng lawa.