-- Advertisements --

Target na mailikas mula sa mga delikadong lugar tulad ng mga waterways ang nasa 2,900 na residente sa Quezon City sa pamamagitan ng bagong rental housing projects na inilunsad ng pamahalaan.

Ito ay matapos pormal na lagdaan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ng Quezon City Government ang dalawang Memorandum of Agreement (MOA) para sa naturang proyekto.

Sa ilalim ng nasabing kasunduan, susuportahan ng DHSUD ang konstruksyon ng mga medium-rise buildings na itatayo sa Barangay Sauyo at Barangay Bagong Silangan.

Layunin nitong mabigyan ng maayos at ligtas na matitirahan ang mga Informal Settler Families (ISFs) na kasalukuyang naninirahan sa mga tinatawag na danger zones.

Ang inisyatibang ito ay nakapaloob sa rental housing modality ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ito ay alternatibong paraan upang mabigyan ng access sa pabahay ang mga pamilyang hindi kakayaning bumili ng sariling unit ngunit nangangailangan ng agarang relokasyon.

Bago ang proyektong ito sa Sauyo at Bagong Silangan, nauna nang inilunsad ang Marilag Residences sa loob ng UP Diliman Campus na tinatayang pakikinabangan ng nasa 3,000 indibidwal.

Samantala, maliban sa mga proyekto sa Quezon City, nakatakda ring palawigin ang ganitong modelo ng pabahay sa Visayas, partikular na sa mga lungsod ng Victorias at Iloilo.