Sinimulan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paghahanap sa ikalawang quadrant ng search area sa Taal Lake.
Unang nakumpleto ng mga technical diver ang pagsisid at paghahanap sa unang quadrant kung saan limang sako na naglalaman ng mga kahina-hinalang bagay ang nai-ahon mula sa ilalim ng lawa.
Sa paghahalughog sa ikalawang quadrant, gagamitin muli ng search and retrieval team ang mga makabagong remotely operated vehicle o ROV para sa mas mabilis at episyenteng search operation.
Hanggang apat na quadrant ang tinukoy ng PCG na bahagi ng search area kung saan pinaniniwalaang itinapon ang mga labi ng mga nawawalang sabungero.
Giit ng coast guard, magtutuloy-tuloy ang search and retrieval operations sa naturang lawa, bilang bahagi ng kanilang papel sa inter-agency operations sa pagtutulungan ng Department of Justice at Philippine National Police.
Sa kabilang ng paglipat sa ibang quadrant, magsisilbi pa ring jump-off point ang Taal Lake Central Fish Port sa bayan ng Laurel, tulad ng mga nauna nang diving operations ng PCG.