-- Advertisements --

Naka-heightened alert ang lahat ng military units para sa posibleng relief at rescue missions sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng bagyong Basyang.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, masusing nakikipag-ugnayan ang lahat ng disaster units ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at sa mga lokal na pamahalaan na posibleng masalanta ng bagyo.

Nakahanda rin aniya ang kanilang mga personnel, assets at kapasidad para matiyak ang mabilis na pagresponde kung kinakailangan.

Pagtitiyak pa ng AFP officer na laging nakahanda ang Sandatahan sa pag-tulong, pag-protekta ng buhay at pag-suporta sa mga komunidad sa panahon ng kalamidad.

Samantala, sa panig ng Philippine Army, sinabi ni spokesperson Col. Louie Dema-ala na naka-standby na rin at naka-preposition ang kanilang humanitarian and disaster response units at emergency response companies ng kanilang Infantry Division sa Visayas at Mindanao.