Naniniwala si Senate President Vicente Sotto III na mayroon umanong mga koneksyon si Peter Joemel Advincula na nagpakilalang si alyas “Bikoy” na tumulong sa kanya upang ipakalat ang kanilang mga paratang kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa pamilya nito.

Paliwanag ni Sotto, malabong mag-isa lamang na kumilos si Advincula na nakarating sa Integrated Bar of the Philippines at sinuportahan pa ng ilang mga religious groups.

Hinimok din ng senador si Advincula na ibunyag kung sino ang nagtutulak sa kanya upang gawin ang kanyang mga pahayag laban sa ilang mga personalidad na nabanggit sa serye ng “Ang Totoong Narcolist” videos.

Ayon pa kay Sotto, nagtungo na raw sa kanyang opisina si Advincula noong 2016 at inihayag ang halos magkatulad na naratibo laban sa ilang mga malalaking tao gaya ni dating Pangulong Benigno Aquino III na inuugnay sa drug trade.

Giit pa ng mambabatas, nagkaroon umano ng bagong mga detalye at personalidad ang kasalukuyang bersyon ng mga pahayag ni Advincula na mas mahirap umanong paniwalaan.