Walang patid ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa pagsasagawa ng mga anti-illegal drugs operations sa buong bansa.
Kaugnay nito ay kinumpirma ng ahensya ang matagumpay na pagkakasabat nito sa mahigit P321.98M na halaga ng shabu sa lalawigan ng Cagayan nitong weekend.
Ayon sa PDEA, dalawang mangingisda ang nag turn over ng hindi bababa sa 45.6 kilos ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o shabu na natagpuang palutang-lutang sa katubigan malapit sa baybayin ng Barangay Centro 6, Claveria, Cagayan.
Ang mga ito ay nakasilid sa 50 plastic packs ng gold tea bags na mayroong Chinese characters.
Tatlong araw ang nakalilipas ay narekober din ang nasa 6.8 million na halaga ng shabu na palutang lutang sa katubigan ng Sitio Narvacan, Barangay Dilam, Calayan, Cagayan.
Bukod dito ay narekober din ang nasa 5.1 million halaga ng shabu sa isa pang barangay sa parehong lalawigan.
Katuwang ng PDEA sa pagsasagawa ng operasyon ang Philippine National Police at Philippine Coast Guard.