Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakatakdang dumating sa bansa ngayong gabi ng Sabado, Hulyo 12 ang karagdagang 11 Pinoy seafarers na nasagip mula sa lumubog na MV Magic Seas matapos atakehin ng Houthi rebels.
Sa isang pulong balitaan ngayong araw, sinabi ni DMW USec. Bernard Olalia ang 11 crew ay kabilang sa 17 nasagip na Pinoy seafarers.
Inaasahang lalapag ang sasakyang eroplano ng 11 crew sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Makakatanggap ang mga ito ng tulong mula sa pamahalaan.
Nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 11, unang dumating ang anim na tripulanteng Pilipino ng MV Magic Seas. Kabilang ang chief officer ng barko, 2nd officer at 3rd officer na dumating sa NAIA Terminal 1 habang ang ilan naman ay sa Clark International Airport.
Nakatanggap ang mga ito ng tig-P75,000 bawat isa mula sa AKSYON Fund ng DMW at Emergency Repatriation Fund ng OWWA at tig-P10,000 bawat isa mula sa DSWD.
Matatandaan, inatake ng Houthi rebels ang Liberia-flagged vessel na MV Magic Seas habang ito ay dumadaan sa Red Sea dahilan ng paglubog nito noong Hulyo a-6 subalit sa kabutihang palad nasagip ang lahat ng 22 crew na sakay nito.