-- Advertisements --

Posibleng malagay sa panganib ang mahigit 24 na Pilipinong tripulante na naka-assign sa mga barko ng Russia dahil sa nagpapatuloy na pagsalakay ng Russia sa Ukraine, ayon kay Senator Erwin Tulfo.

Sa isang pahayag, sinabi ni Tulfo na nakatakda siyang makipagpulong sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) ngayong linggo upang alamin ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga apektadong marino.

Dagdag pa ng senador, nais din niyang matukoy kung ang mga seafarers ay direktang kinuha ng mga kompanya o ipinadala sa pamamagitan ng mga lokal na manning agency.

Ayon kay Tulfo, kung ang mga marino ay dumaan sa manning agency, responsibilidad ng kompanya ang kanilang kapakanan. Subalit kung sila ay direct hires, maaaring humiling ang pamahalaan ng agarang pagpapauwi sa kanila.

Sa ngayon patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga Pilipino sa mga lugar na apektado ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.