Agad na nagsagawa ng masusing imbestigasyon at cross-checking ng datos ang Department of Migrant Workers (DMW) matapos makatanggap ng ulat na may mga Pilipinong seafarer na nade-deploy sa mga tinatawag na shadow fleet.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, delikado ang pagsampa sa ganitong mga barko.
Ito aniya ay dahil kadalasan ay walang sapat na rehistro ang mga ito, hindi tukoy ang tunay na may-ari, at walang insurance o legal na proteksyon para sa mga tripulante.
Kaugnay nito, mahigpit na nagbabala ang kalihim sa mga marino na huwag tanggapin ang mga arrangement na hindi dumadaan sa tamang proseso ng DMW upang matiyak ang kanilang seguridad.
Sa ngayon, tinututukan ng ahensya ang pagbeberipika ng mga dokumento upang mapigilan ang operasyon ng mga shadow fleet na nagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino.
















