Arestado ang isang German national matapos maharang ng mga otoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bitbit ang iligal na droga na bahagi ng mahigit P60-milyong nasabat sa paliparan.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), na-flag ang bagahe ng dayuhan sa Customs International Arrival Area nitong Pebrero 13.
Sa masusing inspeksyon, tumambad ang mahigit walong kilo ng hinihinalang shabu na isiniksik sa false compartment ng maleta ng suspek. Agad inaresto ang dayuhan at kinumpiska ang kontrabando.
Samantala, nasabat din sa Central Mail Exchange Center ang apat na inbound parcels na naglalaman ng tinatayang 3.8 kilo ng hinihinalang marijuana na galing sa Thailand at Canada. Ang mga ito ay itinurn-over na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng pulisya ang mga posibleng koneksyon ng sindikato sa mga lalawigan ng Cavite, Kalinga, at Pampanga.
Nagpaabot naman ng papuri si PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez dahil sa matagumpay na operasyon habang tiniyak ang ang mas pinahigpit na pagbabantay sa borders ng bansa.
















