Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) noong Lunes, Pebrero 16, para sa mga returning domestic workers, partikular ang mga dating nagta-trabaho sa Saudi Arabia, laban sa mga ilegal na recruiter na nag-aalok ng mabilisang trabaho sa Abu Dhabi at Dubai gamit ang pekeng Overseas Employment Certificates (OECs).
Ayon kay Undersecretary Olalia, iwasang mabiktima ng mga ganitong uri ng panloloko kung saan pinepeke pati rin daw ang trabaho na iyong pupunatahan.
‘Huwag po kayong papayag at tatanggap na dadalhin kayo o bibigyan kayo ng trabaho sa abroad na gagamitin ang dati ninyong OEC at papayag na i-fake ang employer at destination country para lang makalabas kayo ng bansa. Dumaan po tayo sa proseso at tutulong po kami. Hahanap po kami ng employer kung kayo man ay nahihirapan humanap ng employer,’ ani Olalia
Ang naturang babala ay kasunod ng pagkakaaresto kay Gie Celleros Viterbo na kilala rin bilang “Ghie,” sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation–Human Trafficking Division at DMW’s Migrant Workers Protection Bureau.
Nadakip si Viterbo sa kanyang condo sa Pasay City matapos ireklamo ng mga biktima na ginamit niya ang kanilang dating kontrata sa Saudi Arabia upang iproseso sila bilang mga returning workers na papunta sa Dubai, na may pangakong sahod na $400 hanggang $450 kada buwan at konektadong flight sa pamamagitan ng Hong Kong at Doha.
Natuklasan ng Bureau of Immigration at DMW na pekeng dokumento, kasama ang OEC, ang ginamit, kaya naharang ang mga biktima sa kanilang pag-alis.
Sinigurado naman ni Secretary Cacdac na haharap sa mga kaso si Viterbo para sa large-scale illegal recruitment at trafficking-related offenses, at bibigyan ng tulong at counseling ang mga biktima.
Hinimok din ng DMW ang iba pang potensyal na biktima na lumapit sa gobyerno upang makahanap ng lehitimong trabaho sa abroad nang ligtas at legal.
















