-- Advertisements --

Nanawagan si Rep. Edgar Erice ng 2nd District ng Caloocan City kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng isang special session ng Kongreso upang agarang maipasa ang batas na magbibigay ng buong kapangyarihang magsiyasat sa Independent Commission on Infrastructure (ICI).

Ibinigay ni Erice ang panawagan kasunod ng ulat na tumangging makipagtulungan ang mga kontratistang sina Sarah at Curlee Discaya sa imbestigasyon ng ICI, na nagdudulot ng pangamba sa kakayahan ng komisyon na pilitin ang mga saksi at makakalap ng mahahalagang ebidensya.

Ayon kay Erice, ang ICI na itinatag lamang sa pamamagitan ng isang executive order ay kasalukuyang walang sapat na legal na kapangyarihan upang pilitin ang mga pribadong indibidwal o kompanya na lumahok sa imbestigasyon.

Binigyang-diin ng mambabatas na tanging komisyon na nilikha sa pamamagitan ng batas ng Kongreso ang may kapangyarihang ipatawag ang sinuman mula sa gobyerno man o pribadong sektor at papanagutin ang mga tumatangging tumestigo o magsumite ng mga dokumento. 

Nais Erice ng agarang aksyon at nagpahayag ng pangamba na baka tumakas na palabas ng bansa ang ilang pangunahing personalidad o sirain ang mahahalagang dokumento.

Kailangan ng matapang na aksyon mula sa Pangulo upang patunayan ang kanyang sinseridad sa pagpaparusa sa mga sangkot sa pandarambong na ito.