-- Advertisements --

Kinumpirma ng South Korea ngayong Sabado, Agosto 23 na nagpaputok ito ng warning shots sa mga tropang sundalo ng North Korea sa may border ng dalawang bansa.

Nangyari ang insidente hapon ng Martes, Agosto 19 sa gitna ng patuloy na ginagawang konstruksiyon ng NoKor ng barriers simula pa noong nakalipas na taon para permanenteng masaraduhan ang border nito sa SoKor.

Base sa local media sa SoKor, sinabi ng South Korean joint chief of staff na ginawa nila ang naturang hakbang matapos na tumawid ang mga sundalo ng NoKor sa military demarcation line o marking ng limitasyon o boundaries sa pagitan ng dalawang bansa.

Umatras din naman aniya ang mga sundalo ng NoKor matapos silang magpaputok ng warning shots.

Ayon sa state media, sinabi ni North Korea Army Lt. Gen Ko Jong Chol na gumamit ang military ng Seoul ng machine gun sa pagpapaputok ng mahigit sa 10 warning shots sa kanilang mga sundalo.

Ang pagsasapubliko sa insidente ay nataon naman sa pag-alis ng bagong South Korean President na si Lee Jae Myung mula sa Seoul ngayong araw para bumisita sa Japan at Amerika.

Matatandaan, nahati ang dalawang Korea simula pa noong Korean war na nagwakas noong taong 1953.

Walang umiiral na peace treaty sa pagitan ng dalawa kayat nananatiling nasa giyera pa rin ang mga ito bagamat ilang taon na rin ang nakakalipas na hindi nagpapalitan ng pag-atake ang NoKor at SoKor.